Kaya Natin: Bagong kampeon ng matino at mahusay na pamumuno

Originally published in Abante News by Harvey Keh (http://www.abante.com.ph/kaya-natin-bagong-mga-kampeon-ng-matino-mahusay-na-pamumuno.htm)

Kahapon ay ginunita muli ng buong bansa ang National Heroes Day o ang araw kung saan inaalala natin ang naging sakripisyo ng libo-libong mga Pilipino para ipaglaban ang kalayaan ng ating bayan.

Ilang beses na ring kinitil ang ating kalayaan gaya noong panahon ng Ikalawanag Digmaan kung saan ay lumaban ang mga sundalong Pilipino laban sa mga Hapon para makamtan natin ang kalayaan mula sa mga dayuhang nanakop sa atin. Noong 1986 naman ay pinatumba ng ating bayan sa pamamagitan ng People Power ang diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na nagpatupad ng Batas Militar sa ating bayan.

 

Noong panahon ng Batas Militar, libo-libong mga kababayan din natin ang lumaban para ipagtanggol ang ating kalayaan. Marami sa kanila ang nagbuwis ng kanilang buhay para lamang sa ikabubuti ng lahat.

 

Sa panahon ngayon, ang hamon sa bawat Pilipino ay ma­ging bayani rin sa kanilang payak at simpleng paraan. Isang halimbawa ay ang pagtulong natin sa mga nangangailangan sa ating lipunan. Hanggang ngayon ay marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagugutom at marami pa rin sa ating mga kabataan ay hindi nakakapag-aral.

 

Hamon sa atin na magpa­kabayani ngayon sa pamamagitan ng pagbahagi ng meron tayo para sa ating mga kababayang higit na nangangailangan. Bukod pa rito, huwag din nating hahayaan na mawalan ng saysay ang naging sakripisyo ng libo-libo nating mga kababayan na lumaban sa rehimeng Marcos.

Kung papayagan nating ilibing ang bangkay ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay parang sinasabi na rin natin na ang mga magnanakaw at mamamatay tao sa ating pamahalaan ay maituturing na rin nating mga bayani. Ganitong asal at pag-uugali ba ang nais nating ituro sa ating mga kabataan? Huwag naman sana.

 

Nitong nakaraang Sabado ng gabi ay pormal nang pinakilala ng Kaya Natin! Movement sa pamumuno nina Vice President Leni Robredo at dating Pampanga Gob. Among Ed Panlilio ay pinakabagong mga kampeon ng Matino at Mahusay na pamumuno sa ating bayan.

 

Sila ay sina Mayor Flora Villarosa ng Siayan, Zamboanga del Norte, Mayor Jason Gonzales ng Lambunao, Iloilo, Mayor Alfredo Matugas Coro ng Del Carmen, Surigao del Norte, Mayor Carolyn Senador Farinas ng San Felipe, Zambales, Cong. Freddie Siao ng Iligan City, Board Member Aris Gaza ng Bataan, Councilor Joel Tibayan ng Tagaytay City at Councilor Lugie Lipumano Garcia ng Olongapo City.

 

Congratulations sa inyong lahat!