Pahayag ng Kaya Natin! Movement ukol sa Anti-Terrorism Bill

Mariing tinututulan ng Kaya Natin! Movement ang pagpasa ng Anti Terrorism Act of 2020 (House Bill No. 6875) sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Sala sa panahon ang panukalang ito, na pinapaspasan sa gitna ng pandemya, at nararapat pang bigyan ng mas maingat na pag-iisip.

 

Sa mga nagdaang buwan, sama-samang nating hinarap ang mga hamong dala ng COVID-19. Ngayon, maliwanag na malayo pa tayo sa katapusan ng labang ito. Nagdurusa pa rin ang marami: ang mga health workers na nasa rurok na ng pagkapagod; ang mga manggagawang nagtitiis ng kawalang sasakyan, na hadlang sa paghahanap-buhay; mga pamilyang hawak ng pagkabalisa sa kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay. Araw araw ang hinaing. Santambak ang kuwento ng kawalang pag-asa. Agaran at malinaw na tugon sa pangangailangan ang hiningi ng taumbayan, upang kahit paano’y mapanatag ang kanilang loob, na hindi sila pinababayaan ng pamahalaan.

 

Walang tinutugunan sa lahat ng ito ang agarang pagpasa sa Anti-Terrorism Act of 2020. Bagamat sadyang totoo ang banta ng terorismo, naniniwala kami na magdaragdag ito ng pangamba. Kung susuriing mabuti, makikitang napakaunti ng probisyon na diretsong tutugon sa terorismo sa bersyong ipinapasa ng ating mga mambabatas. Sa halip, nakababahala na higit lamang nitong pinalalabo kung sino ang pwedeng tawagin na terorista habang mapanganib na nililimitahan ang proteksyon laban sa mga hindi makatarungang pag-aresto. Kung maipapasa, ito’y maaaring maabuso kahit ng mga susunod pang administrasyon laban sa mga Pilipino.

 

Naninindigan ang Kaya Natin! sa paglaban para sa isang bansang nababalot ng hustisya, kalayaan, at pagbibigay boses sa mga Pilipino.

 

Tinatawagan namin ang ating mga mambabatas na pakinggan ang tinig ng sambayanan: walang lugar ang terorismo at karahasan sa ating lipunan, ngunit ang tugon dapat sa mga hamong ito ay malinaw na sumasalamin sa ating mga paniniwala. Maaari nating mapagtagumpayan ang pakikibaka laban sa terorismo ng walang nilalabag na karapatang pantao.

 

Para sa ating Presidente Duterte: hindi isang mapaghating batas na nagdadala lamang ng dagdag na takot ang sagot sa kinakaharap nating pandemya. Nasa inyong mga kamay na pigilan ang pagpasa ng batas na ito. Nasa inyong mga kamay din na ituon ang iyong gabinete sa kasalukuyang krisis na ating kinakaharap.

 

Napakalaki na ng naging epekto ng pandemya ng COVID-19 sa ating mga buhay at mula umpisa ay iisa lang ang ating naging panawagan: na magkaisa ang mga institusyon at bigyang tugon ang problema at hinaing ng bawat Pilipino.