Nakikiisa ang Kaya Natin! Movement sa mga panawagan na magpatupad ng pansamantalang Travel Ban sa lahat ng mga biyaheng mula at patungong China, at sa lahat ng mga biyaheng nagdaan sa China
nitong nakaraang dalawang linggo.
Sa pagpapatupad ng pansamantalang travel ban ay magkakaroon ng sapat na panahon ang ating mga awtoridad upang mas maintindihan ang 2019-nCoV, at mas mapapaigting ang pagpapatupad ng mga nararapat
na tugon at aksyon para sa kapakanan ng ating mga mamamayan.
Nananawagan kami sa mga ahensya ng gobyerno na patuloy na gawing prayoridad ang pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kapwa Pilipino. Pangunahing obligasyon natin ngayon ang pagtiyak na
makaaabot ang tamang impormasyon ukol sa 2019-nCoV sa bawat Pilipino, at ang pagpapanatag sa kanilang mga kalooban na tayo ay may sapat na kakayahang panatilihin ang kaligtasan ng lahat.
Higit sa lahat, nananawagan kami sa lahat ng Pilipino na maging kalmado at mas maging maingat sa panahon ng walang kasiguruhan. Sa panahong ito natin mas kailangan ang kooperasyon at simpatya para sa isa’t isa upang masiguro ang kapakanan natin laban sa banta ng 2019 Novel Coronavirus.