Salamat sa pagiging bahagi ng kwento ng ating pagkakaisa.
Higit sa 18,000 na po sa inyo ang nagbigay ng donasyon para makatulong sa ating mga frontliner. Taos-puso po kaming nagpapasalamat sa inyong tiwala at makakaasa po kayo na hindi tayo titigil hanggang meron pang frontliner na nagkukulang ng kagamitan.
Ang frontliners, kabilang ang iba't ibang essential workers, ang nagsisilbi nating lakas sa panahong ito. Habangbuhay tayong magpapasalamat sa sakripisyo, katapangan, at pagmamahal sa bayan na kanilang ipinapamalas ngayon.
Gaya ng ating pagtulong sa libu-libong frontliners mula sa daan-daang ospital, sana po’y samahan niyo pa rin kami sa pangalawang yugto ng ating proyekto. Kapag lubos nang naipamahagi ang tulong mula sa gobyerno, sunod namang mas bibigyang pansin ng Kaya Natin ang pagbabahagi ng kinakailangang tulong sa mga pamilya na nagkukulang ng pambili ng pagkain.
Ayon nga sa ilang eksperto, malayo pa ang lunas na ating hinahanap. Hindi magiging madali ang landas na tatahakin ng ating bayan at ng mundo sa mga susunod na buwan. Kaya mahalaga na magtulungan tayo sa panahong ito. Sa gitna ng kadiliman at panganib na ito, ang Diyos at pagmamahal sa bayan ang ating gabay.
Huwag sana nating kalimutan ang isang katotohanan sa ating kasaysayan – bitbit ang angking lakas, talino at puso ng taumbayan, kapag tayo’y nagtutulungan, lahat ng hamon at pagsubok na dumating, KAYA NATIN!
Maraming maraming salamat po!
BAM AQUINO
Chairman, Kaya Natin! Movement